Gov. Garcia, ipinakita ang suporta kina Abalos, Revilla, Pacquiao, Tolentino sa campaign kick-off ng One Cebu

 






Pormal na inendorso ni Cebu Governor Gwendolyn Garcia ang apat na kandidato mula sa Alyansa Para sa Bagong Pilipinas sa pagsisimula ng malawakang kampanya ng One Cebu sa lalawigan nitong Biyernes. 


Ito ay isang malaking tulong para sa Senate slate na suportado ng administrasyon, lalo na sa isa sa pinakamalalaking vote-rich provinces ng bansa bago ang midterm elections sa Mayo.


Kabilang sa mga inendorso ni Garcia sina reelectionist Senators Ramon Bong Revilla at Francis Tolentino, dating Senador Manny Pacquiao, at dating Interior Secretary Benhur Abalos. Kasama ang mga lokal na kandidato ng One Cebu Party, sumabak sila sa isang buong araw na motorcade at proclamation rally na dumaan sa 18 bayan sa Cebu.


Ang Cebu, na may mahigit 3.4 milyong rehistradong botante, kabilang ang mga lungsod ng Cebu, Lapu-Lapu, at Mandaue, ay kilala bilang isang election battleground na laging naghahatid ng malaking boto para sa mga pambansang kandidato.


Ang suporta ni Garcia, na itinuturing na isa sa pinakamaimpluwensyang lider-pulitikal sa Visayas, ay tiyak na magpapalakas sa visibility at abot ng Alyansa sa rehiyon. Ang pagtutulungan ng One Cebu at Alyansa ay malinaw na senyales ng solidong provincial backing para sa mga kandidato nito.


Nagpahayag naman ng pasasalamat si Abalos kay Garcia at binigyang-diin ang kahalagahan ng Cebu sa kaunlaran ng bansa.


“Isa ang Cebu sa pinakaprogresibong lalawigan sa buong Pilipinas. Isa itong economic driver sa lahat ng aspeto—parating andiyan po ang Cebu,” ani Abalos

.

Samantala, nakihalubilo rin sina Revilla, Tolentino, at Pacquiao sa mga residente habang idinaraos ang caravan, kung saan ibinahagi nila ang kanilang mga prayoridad sa lehislatura at ang pagsuporta nila sa plataporma ng Alyansa para sa reporma, inklusibong pag-unlad, at mabuting pamamahala.


Kabilang din sa Senate slate ng Alyansa sina Makati City Mayor Abby Binay, Senator Pia Cayetano, dating Senador Panfilo “Ping” Lacson, Senator Lito Lapid, dating Senate President Vicente “Tito” Sotto III, ACT-CIS Representative at dating Social Welfare Secretary Erwin Tulfo, at Deputy Speaker Camille Villar

Archives